Friday, March 6, 2015

Silver


Silver

 Sabihin mo, "Rich, Rich, RICH."

Dinadagdagan ko ang vocabulary nitong si Silver. Tuwing papasok na ako sa kuwarto, lulundag na sa kama iyan at pag-upo ko ay hihiga na sa kandungan ko. Paghimas ko, maririnig ko yung sunod-sunod na "poor poor Poor." Sabi ni Leena malakas mag-purr talaga si Silver.

Hinuha ko kaya di kami yumayaman ay dahil hindi kami may attitude na yumaman. Alang focus. Kaya tuloy ang poor poor poor ni Silver araw-araw, at tuloy ang pag-iwas ng aming numero sa Lotto. Pero napansin ko, walang halaga ang malaking bahay kay Silver. Sa hapon mainit ang kuwarto, yung lalagyan ng pagkain niya ay mumurahing platito. Tugma ang lifestyle niya sa lifestyle namin: yung kutsara't tinidor namin, pati baso, plato at platito ay walang terno; iba't ibang breed din ang aming mga silya't mesa. 

Di lang makakibo si Silver, pero nakikita kong higit na lamang ang ugali't kapalaran niya sa karamihang tao: hindi siya stressed lagi, hindi siya naiinggit kung mas maganda ang food and water bowls ng mga pusang laki sa layaw, gagawin niyang unan pa rin kung ang cellphone mo ay iPhone o hampaslupang Nokia lamang, wala siyang problema sa pera, wala siyang kaaway, di niya wish na tamaan ng kidlat si Noynoy at Purisima, weno kung BMW ang kotse mo? Tama na yung kandungan ni Pogi.

Itong tanong na ito ay matagal ko nang nasagot: Kung ang kapalit ng pagtama ng Lotto at pag-angat ng lifestyle mo ay mawawala si Silver, o si Mau, si Blue, Tabby, Chester, Cordell, o yung mga pusakal (pusang kalye) na sina Ding, Bay, Cindy, Pogi sa labas, Midnight, Bas, Lord, Jenny, Billy, July, Steve, JunJun (not related sa pangit na mayor ng Makati), atbp., papayag ba ako?

Kaya ok na sa akin yung purr purr purr ni Silver. Ang daming beses na pag gusto kong sipain ang buong mundo ay napapakalma ako ng paglapit ni Silver. Kahit nakapikit pa ang mata niya sa antok, babangon at babangon, at lulundag sa kama para makarating lang sa piling ko.

Kahit sabihin pa ng Koreana sa cellphone at call center na your number cannot be rich, ok lang. May Silver Lining ako.